Ang Kinabukasan ng eFDS

Isa ang Family Development Session (FDS) sa mga lubhang naapektuhan ng “new normal.” Sa ngayon ay mahigpit paring ipinagbabawal ang mass gathering kaya ang buwanang sesyon na tumatalakay sa pagpapaunlad ng sarili, pamilya at komunidad ay pansamantalang natigil.

 

Higit kailanman, ngayong panahon ng Pandemya mas kinakailangan ng gabay ng mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). “Hindi kailangan maging hadlang ang pandemya sa patuloy na pagkatuto ng mga benepisyaryo,” sabi ni Ronsan M. Pelariza, ang FDS focal person ng DSWD Region III.

 

Sinimulan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program Facebook ang eFDS sa pamamagitan ng pag-po-post ng mga paksang nagtatalakay sa pagtatanim sa bakuran, pagkain ng masustansya at pag-aalaga sa sarili at pamilya sa panahon ng pandemya.

 

Bagama’t mayaman ang mga mensahe nito, mahirap matukoy ang epekto nito sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Kaya naman inilunsad ni Pelariza ang isang ekslusibong Facebook Group na pinangalanang FDS Gitnang Luzon noong Hunyo upang magkaroon ng mas interaktibong pakikibahagi ang mga benepisyaryo sa e-FDS. Sa ngayon ay nasa 11,435 na ang bilang ng mga miyembro ng grupo kasama ang mga 4Ps staff. 

 

Pinagpapatuloy ng FDS Gitnang Luzon ang layunin ng pagdaraos ng buwanang FDS  upang patuloy na magkaroon ng kaalaman sa mga benepisyaryo sa panahon ng pandemya. Hindi limitado ang kaalaman na tinatalakay sa FDS Gitnang Luzon, nagkaroon din ng mga paksa na tumatalakay sa gender sensitivity. 

 

Nakitaan ng potensyal ang pagdaraos ng eFDS sa Facebook dahil sa pagiging aktibo ng mga benepisyaryo sa pagsagot sa posts na umaabot sa average ng 1,600 replies. Ayon nga kay Pelariza, “Ang FDS Gitnang Luzon ay patuloy na magpapahatid ng kaalaman ang programa sa anumang paraan, nasaan ka man.”

 

Story by: Alexine Bianca RdS. Castañeda