Patuloy na nakikipag-tulungan sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makapaghatid ng tulong sa mas marami pang locally-stranded individuals (LSIs) sa Metro Manila sa pamamagitan ng ikalawang bahagi ng Hatid Tulong Grand Send-Off na ginanap noong Hulyo 25 hanggang 29 sa Rizal Memorial Sports Complex.

Ang Hatid Tulong ay isang inisyatibong pang-transportasyon ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga LSI sa pagbalik nila sa kani-kanilang mga lalawigan. Gumagamit ito ng whole-of-government approach upang matugunan ang iba’t-ibang mga pangangailangan ng mga LSI na naapektuhan ng pinaiiral na community quarantine sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sa ginanap ng aktibidad, ang DSWD ay nagbigay ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P2,000 sa mga LSI sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Para sa mga LSI na may kasamang mga anak, ang Departamento ay nag-abot ng karagdagang P1,000 kada kasamang bata.

Namahagi rin ang DSWD ng mga sleeping kit at hygiene kit sa mga LSI na nagpalipas ng gabi sa pinagdausan ng aktibidad upang antayin ang kanilang mga sasakyan pauwi sa kanilang mga probinsiya.

Mayroong kabuuan na P12,137,200 na halaga ng tulong pinansyal ang naiabot ng DSWD sa 5,039 bilang ng mga LSI para sa ikalawang bahagi ng Hatid Tulong. Kabilang dito ang 1,268 na mga LSI pabalik sa CARAGA Region na napagsilbihan noong Hulyo 25; 1,417 na mga LSI na pauwi sa Cordillera Administrative Region at Rehiyon I, II, III, V, VI, at VIII noong Hulyo 26; at 676 na mga LSI na pabalik sa Rehiyon VI at VIII (maliban sa Bohol) noong Hulyo 27.

Nagbigay rin ang DSWD ng tulong sa isa pang batch ng mga LSI, na bumibilang ng 687, pabalik sa CARAGA Region noong Hulyo 28 at 991 na mga LSI pauwi ng Zamboanga City noong Hulyo 29.

Pagdating sa kani-kanilang mga probinsya, ang mga LSI ay binigyan ng hot meals at Family Food Packs (FFPs) at iba pang kinakailangang tulong at interbensyon ng mga DSWD Field Offices (FOs) sa mga rehiyon.

Ang DSWD ay nagbigay rin ng sleeping at hygiene kits sa mga LSI na pansamantalang tumutuloy sa Taguig City, City of Manila, at Bulacan habang sila ay nag-aantay ng iskedyul ng kanilang pagbalik sa kani-kanilang mga probinsiya.

Ang Hatid Tulong, na pinangungunahan ng Presidential Management Staff, ay ipinapatupad alinsunod sa mga sa health protocols at panuntunan na inilatag upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Ang lahat ng mga LSI ay sumailalim sa rapid testing para sa COVID-19 na pinangasiwaan ng Department of Health.

Nagkaroon din ng maayos na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang makapaghanda sila sa pagbabalik ng mga LSI at makapagpatupad sila ng screening at quarantine measures upang ma-protektahan mula sa sakit ang kanilang mga nasasakupan.

Sa kasalukuyan, ang DSWD ay nakapagbigay na ng P25,540,200 halaga ng tulong sa 10,361 na bilang ng mga LSI sa ginanap na una at ikalawang batch ng Hatid Tulong. Ang Departamento ay patuloy na magbibigay ng tulong sa mga LSIs upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan at upang matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa kanilang mga lalawigan at pamilya.###

image_pdfimage_print