Sa timog ng Pampanga, matatagpuan ang bayan ng Sasmuan. Isa itong bayan na pinapaligiran ng mga katubigan tulad ng ilog ng Pasac at Manila Bay kaya naman ang pangunahing kabuhayan ng mga mamamayan dito ay pangingisda. Maituturing itong kakaiba sa ibang bayan ng lalawigan dahil nalalayo ito sa karaniwang industriya ay pagsasaka.

Arko ng Bangkung Malapad.

Humigit-kumulang isang oras na byahe sakay ng bangka ang gugugulin upang marating ang maliit na pulo ng bakawan na kung tawagin ay Bangkung Malapad. Ito ay matatagpuan sa ilog Pasac malapit sa Manila Bay. Nabuo ang Bangkung Mapalad mula sa volcanic sediments na napunta sa ilog nang sumabog ang Bulkang Pinatubo noong 1991.

Tulay sa loob ng Bangkung Malapad.

Iba’t-ibang ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga programa upang mapangalagaan ang lugar, hanggang sa kasalukuyan. Isa na rito ang DSWD na nagpapatupad ng programang Climate Change Adaptation and Mitigation – Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) sa pamamagitan ng pagbibigay ng 10 araw na cash-for-work. Ang mga benepisyaryo ng programa ang nagtatanim at naglilinis sa Bangkung Mapalad, kabilang din sila sa mga pagpupulong sa pangangalaga sa lugar. Nagsimulang ipatupad ang programa sa Bangkung Malapad simula Pebrero ng nakaraang taon.

Pagtatanim ng seedlings ng bakawan sa ilalim ng programang CCAM-DRR ng DSWD.

“Dati, binabalewala lang namin ‘yan [Bangkung Malapad], kung minsan nga pinababayaan namin, pinuputol [ang mga bakawan] at ginagawang panggatong. Tapos, napansin din po namin, kumakaunti rin po ang aming mga huli” ang sabi ni Reynaldo Basco, benepisyaryo ng programa, patungkol kondisyon sa bago ipatupad ang programa sa kanilang lugar. 

Malaki ang epekto ng programa sa kabuhayan ng mga mangingisda sapagkat ang nakakatulong ang pagtatanim ng bakawan sa pagdami ng kanilang huli, dagdag pa rito ang karagdagang kita nila mula sa 10 araw na cash-for-work.

“Ang pagtatanim ng mangrove ay malaking tulong kasi tumaas ang volume of catch [huling isda] namin,” dagdag pa niya. Maituturing kasing tirahan ng mga lamang dagat ang bakawan, kung saan sila nagpaparami.

Mga tumubong tanim sa kasagsagan ng high tide.

Ayon naman kay Pia Sambat, Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Sasmuan, “na-instill sa mga isipan nila [benepisyaryo] ‘yong awareness sa mangrove conservation at sa mga natural resources natin kasi nakikita nila napakabeneficial ng mangrove sa pagpiligil ng storm surge at tsunami.” Dagdag pa niya, panatag na ang kalooban ng mga mamamayan sa tuwing may banta ng kalamidad sa kanilang lugar.

Sa mga susunod na implementasyon ng CCAM-DRR, pinaplano ang pagtatanim ng palapat, isang uri ng bakawan na kung saan ang bunga ay maaring kainin at i-proseso upang gawing mga delicacies. 

Bunga ng palapat.
Puno ng Palapat sa Bangkung Malapad.

Bukod sa pagpigil sa matinding epekto ng kalamidad, malaki ang naitutulong nito sa kabuhayan ng mga mangingisda. Mahalaga ang kontribusyon ng mga programang nangangalaga sa kalikasan, tulad ng CCAM-DRR. Ang sabi nga kay Kuya Reynaldo, “kumbaga sa isang bato, matatamaan mo dalawang ibon; nakatulong ka na sa paglaban sa climate change, sa katatagan sa kalamidad at sa kabuhayan ng tulad naming mga mangingisda.”

image_pdfimage_print