Nagdudulot ng kalituhan sa publiko ang mga kumakalat na maling balita patungkol sa Social Pension Program for Indigent Senior Citizens. 

Nakarating sa aming tanggapan ang mga maling impormasyon na inilimbag ng Abante sa panulat ng isang Kaye Dacer. Aniya, noong 2018 isinabatas ang RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, ngunit sa katotohanan, taong 2010 pa ito naisabatas.

Nakasaad rin sa batas na ito na ang mga kwalipikadong senior citizens lamang ang maaaring mapasali. Sila ay dapat na may edad 60 years old pataas, mahirap at may sakit, nakaratay, o may kapansanan. Sila rin ay dapat na walang natatanggap na ano mang suporta mula sa sino mang kaanak at wala ring natatanggap na ibang pension katulad ng SSS o GSIS at iba pa. Kaya naman hindi lahat ng mga mahihirap ay kabilang sa programa.

Ang mga hindi kabilang ngunit pasok sa kwalipikasyon ay mapapasali sa “waiting list” kung saan maaaari silang magkaroon ng pagkakataon na maging bahagi ng programa kung may maaalis mula sa mga existing beneficiaries.

Nais ding linawin ng DSWD Region 3 na ang programa ay pinangangasiwaan ng DSWD at hindi ng lokal na pamahalaan. Bagama’t katuwang ang Local Government Units sa pag-oorganisa ng pay-out at pagsalo ng mga katanungan at reklamo, ang mga Mayors at ang mga MSWDOs o Municipal Social Welfare and Development Officers ng bawat bayan at siyudad ay walang kinalaman sa paglilinis ng listahan at sinasabing pagka-delay ng pamamahagi ng pensyon.

Kaugnay nito, walang katotohanan ang pahayag ni Dacer na intensyunal ang pagkaantala ng pamamahagi ng pensyon, ng isang MSWDO. Ito ay naaayon sa paglilinis ng listahan upang tugunan ang mga reklamong natatanggap ng pamahalaan. Isinasaad din sa DSWD Memorandum Cirlular 04 series of 2019 na ipapamahagi ang mga pensyon dalawang beses kada taon o kada-anim na buwan. Ito ay pirmado ng kalihim ng Departamento na si Sec. Rolando Joselito D. Bautista.

Upang maisakatuparan ito, agarang nag-schedule ng pay-out ang DSWD Region 3 para sa PARTIAL CLEAN LIST ng programa.

Nananawagan ang departamento sa mga propesyonal na mamamahayag na kunan ng pahayag ang bawat partidong kasangkot sa isang isyu, para sa patas, balanse at tapat na pagbabalita. Gayundin ang aming panawagan sa publiko na huwag ikalat ang mga maling impormasyon katulad nito.

Bukas ang aming tanggapan para sa mga katanungan tungkol sa Social Pension Program for the Indigent Senior Citizens.

image_pdfimage_print