Dalawang taon matapos mai-turn-over ng DSWD Kalahi-CIDSS sa barangay Sampaloc, Talugtug, Nueva Ecija ang kanilang napagkaisahang proyekto na farm-to-market road ay maaayos na itong pinakikinabangan ng mga residente lalo na sa pag-angkat ng kanilang produkto mula sa kanilang mga bukid.

Napapabilis na rin ang pagpunta nila sa kani-kanilang bukid dahil ngayon ay naipapasok na nila ang kanilang mga sasakyan. Kumpara dati na naglalakad lang ang mga residente papunta sa kanilang mga bukid dahil sa baku-bako at lubak-lubak ang daan.

Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Kapitan Sonny Directo, “kung hindi dumating ang Kalahi-CIDSS ay hindi namin maipapasaayos ‘yung aming daan. Dahil nga maliit lang din ang pondo namin sa barangay. Masaya ako na dumating dito sa Talugtug ang Kalahi-CIDSS dahil maraming mga problema sa mga barangay ang nabigyan ng solusyon.”

Ang proyekto ay may kabuuang pondo na Php 1,329,993 mula sa DSWD Kalahi-CIDSS at lokal na pamahalaan.

Taon-taon naman ang paglalaan ng pondo ng barangay para sa pagmiminta ng nasabing proyekto, “dapat lang na i-maintain namin ang project na ‘yan kasi kapag nasira ‘yan baka bumalik na naman sa dati na lubak-lubak at maputik na daan,” ani Kapitan Directo

Sa katunayan ay nadugtungan na ng mahigit kumulang 70 metro ang kanilang proyekto. Ito ay dahil sa pondo ng barangay at sa pakikipag-ugnayan sa Cash for Work.

###

image_pdfimage_print