Ang dating tulay na ginagamit ng mga ilang residente ng Barangay San Miguel, Quezon, Nueva Ecija

Isang dating poste ng kuryente ang nagsilbing tulay para sa mga ilang residente ng Barangay San Miguel, Quezon, Nueva Ecija upang makapunta sa pinaka malapit na eskwelahan at mai-angkat ang kanilang mga produkto tulad ng palay at pakwan. Karamihan kasi ng kanilang mga sakahang bukid ay nasa kabilang ibayo.

Pero tuwing malakas ang ulan ay hirap ang mga residente na makadaan dito, dahil mabilis ang pagtaas ng tubig. Kung kaya naman ito ang inilapit na proyekto ng mga residente noong unang cycle ng Kalahi-CIDSS.

Kwento ni nanay Remedios Roque, 77, residente ng barangay San Miguel, “ang laki ng hirap naming dito hanggang sa nakapagtapos na ang mga anak namin. Ginagawa ko pa nung araw ay mamimili ako sa ibayo, dadalhin ko ‘yung talyasi at lumalangoy ako para makatawid.

”Ayon sa kanilang kapitan na si Manolito R. Santiago, inilapit nila ang proyektong ito sa Kalahi CIDSS ngunit hindi ito naisama sa mga prayoridad na proyekto. Subalit hindi sila sumuko, “Kaya gumawa kami ng paraan para maipagawa ito, lumapit kami sa mga mamamayan ng barangay, inipon namin ‘yung pondo at nag-volunteer din ‘yung ibang mga residente hanggang sa maipagawa ito.”

Ang bagong tulay na naipagawa dahil sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga residente

Ngayon na gawa na ang naturang tulay, naging madali at ligtas na ang pagbaybay ng mga residente mula sa kanilang kani-kaniyang komunidad patungo sa kabilang ibayo. Tag-init man o tag-ulan, masigasig na tinatalunton ng mga residente at kanilang mga anak ang proyektong noon ay pangarap lamang.

Isa lamang itong patunay ng pagsasabuhay ng prinsipyo ng Community-Driven Development o CDD na kung saan ang residente mismo ang tumutukoy ng kanilang mga problema sa kanilang komunidad, katuwang ang lokal na pamahalaan at sila rin ang nagpapatupad ng akmang solusyon.

Sa kasalukuyan ay isinusilong ng DSWD ang pagsasabatas ng CDD. Ikaw, sang-ayon ka ba na mabigyan ng boses ang bawat Pilipino sa pagpili ng mga proyekto at programa ang gagawin ng kanilang lokal na pamahalaan?

#

image_pdfimage_print