ALION, MARIVELES, BATAAN —- Isa lamang sa mga natulungan ng programang Self Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K) o mas kilala na ngayon sa tawag na Sustainable Livelihood Program (SLP) ang Alion Kapit Bisig SEA-K Association.

Taong 1996 noong unang nakahiram ng tig ₱4,000 na kapital ang 25 miyembro ng asosasyon. Ayon sa kanilang presidente na si Gng. Elizabeth D. Paglinawan, naisipan niya na humanap ng mas stable na mapagkakakitaan ang kaniyang mga kapwa ina na kabaranggay, upang makatulong sa kanilang mga asawa.

Sa unang siyam (9) na taon ay nagkaroon ng kanya-kanyang negosyo ang bawat isang miyembro ng Kapit Bisig SEA-K Association, pero naisipan nila na pagsama-samahin ang kanilang mga naitabing pera at magkaroon na lamang ng isang negosyo kung saan mas kikita ang lahat ng mga miyembro, mas mapapalago ang kanilang mga naitabing pera at gayundin, makatulong sa iba pa nilang kapwa nanay. At doon nagsimula ang Gracielo’s Cashew Products.

Simula noong 2007 ay hindi tumigil ang produksyon ng kasuy ng Gracielo’s. Sa ngayon sila ay nakakatulong sa iba pang mga kabaranggay sa pamamagitan ng pagkuha sakanila bilang mga taga proseso ng kasuy. Sila din ay tinulungan ng iba-iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) upang mas mapalago pa ang kanilang negosyo.

Unti-unti nilang napalago at napalaki ang kanilang negosyo, nakapagpatayo na sila ng processing center kung saan ginagawa ang kanilang mga produkto. Sinisigurado din ng grupo na ang quality ng kanilang mga kasuy ay pang-world class dahil ito ay nakakarating na sa iba’t-ibang lugar sa loob at labas ng bansa. Nang dahil dito, nakabili na ang grupo ng maliit na lupa upang doon na magtanim ng kasuy na kanilang ipoproseso. Gayundin, nakabili na din ang kanilang grupo ng sasakyan para sa pagta-transport ng kanilang produkto. Ang kanilang presidente naman na si Elizabeth ay nakapagtraining na sa ilalim ng DA at ngayon ay nagsisilbing resource speaker sa mga pagpupulong ng mga kagaya nilang mga small entrepreneurs.

Sa ngayon, ang asosasyon ay aktibo sa pag-attend sa mga trade fair at pag-dedevelop pa ng ibang produkto. Ibinahagi nga sa isa sa mga miyembro na si Virgie Laylo, maganda ang naging epekto sa kanya at kanyang pamilya ang pagsali niya sa asosasyon, “Maganda ang SEA-K, dahil madedevelop ang personality ninyo, at magkakaroon pa kayo ng magandang buhay.”

Paalala naman ni Gng Elizabeth sa mga bagong asosasyon sa ilalim ng SLP at sa mga nagbabalak na manghiram ng kapital “Sana ‘yung pinahiram ng government na puhunan ay gamitin nila ng maayos, para maibalik nila at pakinabangan din ng iba.”

Ang DSWD ay hindi lamang sa panahon ng sakuna at krisis  maasahan, kung pati na rin sa pagpapayabong ng kakayahang pinansyal ng mga mahihirap na pamilyang pilipino.

###

image_pdfimage_print