Malolos City, Bulacan – Idinaos ang ika-37 Regional Assembly of Day Care Workers sa Bulacan Capitol Gymnasium noong ika-7 ng Hunyo 2019.

Mga Child Development Workers sa Gitnang Luzon, nagtipon-tipon para sa kanilang ika-37th Regional General Assembly

Ang naturang pagtitipon ay may temang “Child Development Workers: Katuwang Tungo sa Magandang Kinabukasan ng Kabataan.” Ito ay tumutukoy sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga Child Development Workers (CDW) sa matagumpay na kinabukasan ng mga kabataan.

Ayon kay Director Gemma B. Gabuya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 3, kailangan ay mas maramdaman ang kontribusyon ng mga CDW dahil ang pagpapaunlad sa mga kabataan ay isa sa prioridad ng departamento. Pinapatunayan ng mga batas katulad ng Presidential Decree 603 o Child and Youth Welfare Code na kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng mga bata. “Binibigyang halaga ng ating batas ang mga bata dahil sila ang susunod na henerasyon,” aniya.

Sa kasalukuyan, may 4,175 accredited CDW ang region 3. Isa itong patunay na tumataas ang kalidad ng mga CDW sa rehiyon. Bagama’t hindi pa naipapasa ang Magna Carta for Dar Care Workers, may kani-kaniyang inisyatibo naman ang ilang mga lokal at pamprobinsyang pamahalaan upang mabigyan sila ng mga benepisyo.

Nangako naman ang Presidente ng Regional Federation of Day Care Workers na si Jocelyn Rimas na pangungunahan ang pag-aadvocate para sa naturang batas. Dagdag pa nya sa kanyang report ang matagumpay na pagrerehistro nila sa Securities and Exchange Commission at kasalukuyang nilalakad naman ang sa DSWD sa ilalim ng Standards Unit.

Ibinahagi naman ni Marites de los Trinos, Presidente ng mga CDW sa probinsya ng Aurora, ang kanilang mahusay na programa sa pangangasiwa sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Ang layunin ng kanilang programa ay maisali ang mga naturang bata sa serbisyong hatid ng Day Care Centers.

Pagbabahagi ni Marites de los Trinos sa inclusive ECCD para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Sa iba pang report, 79 na lokal na pamahalaan sa rehiyon ang mabibigyan ng pondo para sa Supplemental Feeding Program (SFP). “Magtulungan po tayo para sa successful na implementation ng Supplemental Feeding,” himok ni Elena Carreon, Regional Nutritionist ng DSWD Region 3.

Tinatayang mahigit 2,500 CDW mula sa pitong probinsya ng Gitnang Luzon ang dumalo sa makabuluhang aktibidad.

Kwento at mga larawang kuha ni Reiner Grospe

image_pdfimage_print