TARLAC CITY, TARLAC — Matagumpay na ginanap ang ikatlong mass graduation sa Gitnang Luzon kung saan 356 na benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ang nagsipagtapos. Katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Advanced Institute Technology, Tarlac School of Arts and Trade at Floriana Bao Sadian Technological Vocational School Foundation Inc.

Ang mga benepisyaryo mula sa mga bayan at lalawigan ng Tarlac ay sumailalim sa mga kursong Dressmaking, Shielded Metal Arc Welding, Beauty Care, Hairdressing at Cookery. Sila ay nabigyan ng National Certificate II (NC II) mula sa TESDA. Ang NC II ay kinikilala sa loob at labas ng bansa.

Ang bawat isang benepisyaryo ay nakatanggap din ng halagang ₱20,000.00 kung saan nakapaloob ang kanilang training fee, allowance at allocation for starter tool kit.

Nagbigay ng pagpapasalamat ang OIC-Division Chief ng Promotive Services Division na si Gng. Melanie M. Barnachea sa mga masugid na partners ng DSWD. Dagdag pa niya ang pagpupugay sa mga benepisyaryo, “Hindi madaling pagsabayin ang responsibilidad sa pag-aaral at [paggampan] sa inyong role sa pamilya.”

Binahagi ni Gng. Barnachea ang Ambisyon Natin 2040 at hinikayat ang mga nagsipagtapos na abutin ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng kanilang pagsasanay sa kurso na tinapos.

Ang Provincial Director ng TESDA Tarlac na si Gng.  Elizabeth DM. Manio ay pinaalalahanan din ang mga benepisyaryo na hindi lamang swerte ang kailangan sa pag-unlad. “Hanapin ang opportunity para magkaroon ng swerte. Maswerte tayo dahil kapartner natin ang DSWD.”

image_pdfimage_print