103 student-beneficiary ng 4Ps ang nagtapos ng YDS

Binigyang parangal ng Ramos National High School (RNHS) ang 103  na
mag-aaral na pawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)
dahil sa kanilang pagdalo at pakikibahagi sa Youth Development Sessions (YDS).

Ang naturang pagkilala ay may temang “Mapanagutang Kabataan sa Makabago
at Maunlad na Bayan.” Sapagkat naniniwala ang paaralan ng RNHS, sa pangunguna
ni Dr. Noel D. Palgue, Principal II, na sa bawat batang makakatapos ay may
isang pamilyang magkakaroon ng pag-asang makaahon sa kahirapan tungo sa
kaunlaran.

Sila ang ikalawang batch na matagumpay na natapos ang 11 modules (mulas Change:
Metamorphosis of a Person
hanggang Discovering Your Destiny) ng YDS,
sa RNHS.

“Kung ang atin pong mga kabataan ay mawawalan ng kinabukasan, ang atin
pong bansa ay mawawalan din ng pag-asa at kinabukasan. Dahil ang kinabukasan ng
bansa ay naka-depende sa mga kabataan,” pagbibigay diin ni Ms. Melanie
Barnachea, OIC-Division Chief ng DSWD Promotive Services.

Dagdag pa rito’y ipinaalala ni Hon. Municipal Mayor Diosdado T.
Reginaldo na lahat ay mayroong pantay na karapatang upang magkaroon ng
pagkakataong mag-aral kasabay ng pangakong tutulong upang mabigyan ng suporta
ang mga batang nagtapos sa pamamagitan ng scholarship.

Ang DSWD ay ang punong ahensya (katuwang ang Department of Education
(DepEd), Department of Health (DOH), at ng mga Local Government Units (LGUs))
na nag-iimplementa sa 4Ps, ang programang nakatuon sa pagbali ng siklo ng
kahirapan sa pamamagitan ng pagtutok sa edukasyon at kalusugan ng mga Pamilyang
Pilipino.

Ang YDS ay binuo upang tulungan ang mga kabataang benepisyaryo ng 4Ps na
magkaroon ng life skills na kanilang magagamit sa pagharap sa mga isyung
madalas kaharapin ng kanilang sektor.