Mga Benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program, Nagtapos ng Dress Making NC II

HAGONOY, BULACAN – 33 benepisyaryo ng Department of Social
Welfare and Development sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ang
nagtapos ng Dress Making NC II na sumailalim sa dalawampung araw ng pagsasanay.
Kaagapay sa kanilang pagsasanay ang mga partner technological vocational
institutions na Center for Authentic Learning and Innovations Inc. at Colegio
de San Gabriel Arcangel. Nakatanggap ang bawat isang benepisyaryo ng
₱20,000.00, kung saan nakapaloob ang kanilang training fee, allowance at
starter kit na may nilalaman na high speed sewing machine at iba pang mga
kagamitan sa pananahi.

Apat na natatanging benepisyaryo na sina Mauricia V. Sanone at
Rosalinda Laceda ay naparangalan ng Best in Sewing. Habang sina, Derlyn
Precious A. Manjares at Amelia Feliciano ay naparangalan naman ng Best in
Pattern Making.

Isa rin sa mga benepisyaryo na si Vilma Catajan, ay
mangiyak-ngiyak na nagpahatid ng pagpapasalamat. “Maraming salamat sa SLP ng
DSWD at nabigyan kami ng karagdagang pangkabuhayan upang sa darating na panahon
ay mayroon kaming mapagkukunan ng kabuhayan.”

Dinaluhan ito ng kanilang Mayor Raulito T. Manlapaz Sr. na
nagpaabot ng pagbati. Kinatawan din ng Provincial Coordinator na si Edna C.
Tulabut ang DSWD SLP. Gayundin, ang Municipal Social Welfare and Development
Officer na si Gng. Angelina Dela Cruz ay nagpasalamat sa mga naging parte ng
proyekto. “Labis labis pong pasasalamat at kagalakan sa inyong pagtatapos sa
umagang ito.” dagdag ni Gng. Dela Cruz.