“Pwedeng manghingi ng tulong, pero sa tamang paraan at sa tamang lugar,” ito ang binigyang diin ni DSWD Field Office III Director Gemma B. Gabuya sa kakatapos lamang na Consultation Meeting with Badjau Leaders ng Gitnang Luzon, na ginanap sa Angeles City.

Ayon kay Director Gabuya ay karapatan ng bawat Pilipino na manghingi ng tulong sa gobyerno. Gayunpaman, aniya, ang tulong na ito ay may kaakibat na obligasyon.

Ang naturang pagpupulong ay parte pa rin ng adbokasiya ng DSWD Field Office III Task Force Kalinga: SAGIP Katutubo na naglalayong labanan ang kaso ng pamamalimos sa Gitnang Luzon. Naniniwala ang Task Force na ang pagbibigay limos ay hindi paraan ng pagtulong bagkus ito ay nakadaragdag pa ng kaso ng kriminalidad at aksidente, lalong lalo na sa mga bata.

“Kung walang koordinasyon at kooperasyon na manggagaling sa inyo ay hindi rin namin kayo lubos na matutulungan,” ani Ms. Ester Dating, Focal Person for Indigenous People mula sa City Social Welfare and Development Office ng Angeles City. Ayon kay Ms. Heide A. Patio, Specialist on Social Welfare and Development, ay malaki ang potensyal ng mga Badjau bilang aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng mga kampanya at adbokasiya nito na may kinalaman sa pagpapaunlad ng sarili at ng bayan.

Isang patunay na rito ay si Minda Simon, 43, na isa sa 121 na pamilyang nabigyan ng pabahay o core shelter assistance mula sa DSWD Field Office III sa ilalim ng programang Sama-Bajau Localized Interventions and Learning Approach for Holistic Improvement (SALINLAHI). Sa kasalukuyan, siya kasama ng kanyang asawa ay mayroon ng dalawang motor, ang isa rito ay ginagamit nilang pamasada, samantalang ang isa nama’y ginagamit nila sa kanilang rolling store ng mga isda kung saan sila kumikita ng isang libong piso (P1,000.00) kada linggo. “Kailangan lang magsimula sa bawat indibidwal ang pagbabago at sususugan na lamang ito ng suporta at iba pang mabubuting gawa,” bahagi ni Nanay Minda. Aminado siya na kabilang ang pamilya niya sa mga dating namamalimos sa lansangan. Nararanasan pa nilang matulog sa kalsada, aniya, kaya naman nagkasakit noon ang kaniyang isang anak.

“Yung mga kilala naming kapatid na namamalimos ay i-home visit namin na may kasamang counselling,” ito ang isa sa mga naging commitment o pangakong tulong ng Badjau Leaders sa Task Force Kalinga.

image_pdfimage_print