“Mahalaga po ang kultura; ‘yun po ang ating pinagmulan, pinanggalingan ng kultura. Ngayon pong nagiging moderno na ang panahon, naisasantabi na ang kultura,” ito ang paniniwala ni Dianna Kate Chumatay, 12 taong gulang, 2017 Pantawid Exemplary Child ng Gitnang Luzon. Si Dianna Kate ay isang Kankanaey na nakatira sa Sitio Acoje, bayan ng Sta. Cruz, Zambales. Isang Sitio na dalawang (2) oras ang layo mula sa kabihasnan, makitid ang daan, gilid ay bangin, at isang beses lamang umaakyat ang pampublikong sasakyan sa isang araw. Alas dose ng tanghali ang nag-iisang byahe paakyat sa Sitio Acoje habang alas dose naman ng madaling araw ang oras ng pagbaba ng sasakyan.

Kasama niyang naninirahan dito sina Tatay Cilby at Nanay Karen Chumatay, kapatid na si Cevrin, at ilan pa nilang mga katribo.

Si Nanay Karen ay dating naninilbihan sa minahan bilang isang kusinera. Taong 2004 nang nakilala n’ya ang isang pulis na bumihag sa kanyang puso. Gayunpaman, ang apat na taon nilang relasyon ay nauwi rin sa hiwalayan nang nadestino kanyang kabiyak na pulis sa ibang lugar at doo’y piniling bumuo ng bagong pamilya, apat (4) na taon pa lamang noon si Dianna Kate.

Lumipas ang mga taon, si Nanay Kareen naman ay binuksan muli ang kanyang puso at pinapasok si Tatay Cilby, na ayon kanya’y ang kanya talagang “first love”. Nagkita silang muli sa pinagtatrabahuan nilang minahan at muling umusbong ang kanilang pag-iibigan at nagpakasal.

Maayos dati ang kanilang pamumuhay, dahil nang nalipat ang mag-asawa sa panibagong tayong minahan ay mas tumaas din ang kanilang kita. Ang dating 280 sa isang araw ni Tatay Cilby ay naging 32,000 kada buwan, ngunit taong 2014 nang nagsara ang minahan at naapektuhan ang kanilang pamumuhay. Ito naman ay sinundan ng pagdating ng Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayon na bigyan ng tulong ang mga pamilya na nasa malalayong lugar, walang hanapbuhay at permanenteng pinagkakatian.

Hikahos man sila ng mga panahong iyon, tila narinig ng Diyos ang kanilang dalangin ng nakatanggap sila ng halos isan-daang libong piso kaakibat ng pagsasara ng pinatrabahuan nilang minahan. Ginamit nila ang perang natanggap sa pag-papaayos ng kanilang bahay. Ang dating munti at barung-barong ay naipaayos nila at naging konkreto na, hindi man literal sapagkat ito ay gawa sa purong kahoy at yero, tulad ng mga bahay sa rehiyon ng Cordillera.

Bagamat nakatulong sa kanila ang minahan, taong 2015, ng naghain ang mga residente ng Sitio Acoje ng reklamo laban sa pagmimina at lumagda sa petisyon upang ipatigil ang pagmimina sa kanilang lugar lalong lalo na sa daluyan at pinagkukuhanan nila ng tubig. Dahil sa protestang ito, wala na ni isa sa lugar nila ang tinanggap sa kumpanya ng mga minahan.

Gayunpaman, nagkaroon din si Tatay Cilby ng pinagkakakitain ng maipasara ang mga minahan at noong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez, ang pagpapatubo ng mga halaman. Ang kanilang itinanim na halaman ay may kaakibat ng halaga, dadalhin nila ito sa nakakalbong parte ng bundok at babayaran sila kapag ito ay kanilang napatubo. Ngunit ang proyektong ito ay natapos rin ng matanggal sa pwesto si Sec. Gina Lopez.

Sa kasalukuyan, si Tatay Cilby ay binubuhay ang kanilang pamilya sa pangangaso at pangunguryente sa ilog; kukimita siya ng 600 kada linggo.

Nakikita ni Dianna ang pagsusumikap ng kanyang mga magulang, kaya naman tinutumbasan niya ito ng pag-aaral ng mabuti. Sa katunayan, mula ikaunang baytang ay nangunguna na siya sa klase hanggang sa makatungtong na sya ng ika-pitong baytang, sa kasalukuyan. Malayo sa kanila ang kabihasanan ganun na rin ang eskwelhan ay hindi ito nagiging hadlang. Labinlimang minuto ang kanyang nilalakad mula sa kanilang tahanan patungo sa eskwelahan, ganoon din pabalik. Umaraw man o umulan, malubak man o maputik ang daan; nakabota, nakasapatos, o nakapaa man, hindi alintana ni Diana. Patuloy s’yang nagsisikap.

“Yung pag-aaral po mahalaga po s’ya, hindi lang po para sa akin, sa pamilya, kundi pati na rin sa komunidad. Kaya po, kahit mahirap po lakad mula bahay hanggang school, tinat’yaga ko po,” bahagi ni Dianna Kate.

Hindi katulad sa siyudad, walang masasagap na signal sa kanilang lugar, liban na lamang sa mga natagpuan nilang maliit na bahagi ng pook na tinabingan nila ng trapal na kung tawagin nila’y “Signalan.” Malayo man sa buhay estudyante ng isang karaniwang bata, batid ni Dianna na iba ang yaman na taglay ng kanilang lugar at hindi ito matutumbasan ng kasaganahan ng kahit na ano pa mang nasa siyudad. Ayon sa kanya, patuloy siyang magsusumikap sa pag-aaral at papahalagahan ang bawat diplomang kanyang matatanggap na saksi sa lahat ng kanyang paghihirap. Patuloy din syang magpapasalamat sa gobyerno na nagpaabot sa kanilang ng tulong, malayo man ang kanilang tirahan.

Isa siyang mabuting halimbawa sa kanilang lugar at hinahangaan ang kanyang angking talino at galing sa eskuwela. Si Dianna Kate B. Chumatay isang Kankanaey ang natatanging bata mula sa mataas na lugar ng Sitio Acoje, probinsiya ng Zambales, patuloy na hahakbang tungo sa magandang kinabukasan.

image_pdfimage_print