Nabigo man sila noong una, hindi naman sila sumuko at nagpatuloy pa rin pa rin silang maging volunteer ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).

Nagbunga ang kanilang sama-samang pagkilos nang may malasakit dahil isa ang kanilang barangay sa na-prioritized o mabibigyan ng pondo ngayong ikalawang cycle ng programa.

Kaya labis ang pasasalamat ni Marilyn Evangelista, Barangay Sub-Project Management Committee Chairperson ng Barangay Baybayabas sa pagkakasatuparan ng kanilang proyekto. “Nagpapasalamat po kami sa Kalahi dahil magkakaroon na kami ng maayos at ligtas na tawiran papunta sa kabilang ibayo,” aniya.

Dahil pagsasaka ang isa sa pangunahing ikinabubuhay ng mga residente ng Barangay Baybayas, Talugtug, Nueva Ecija, napagkaisahan ng mga community volunteers at ng komunidad ang proyektong pagpapatayo ng tulay upang mapabilis at maging ligtas ang mga magsasaka patungo sa kanilang bukirin.

Ang proyekto ay inaasahang pakikinabangan ng may kabuuang 344 na kabahayan.

Ang programang Kalahi-CIDSS ng Department of Social Welfare and Development ay gumagamit ng Community-Driven Development approach, kung saan ay ibinibigay sa komunidad ang kapangyarihang tukuyin ang problema sa kanilang komunidad at kung ano ang nararapat na solusyon dito. ### (Jeffrey D. Pelariza)

image_pdfimage_print