Kumpleto at agarang health at education services para sa mga Katutubong Aeta sa Bamban

“Hindi ka matatawag na social worker kung hindi mo ibibigay ang best mo, ang buong sarili mo sa paglilingkod. Kung may iilang hindi ka mapasunod at hihinto ka ay lahat ng nagawa mo na ay mababalewala,” bahagi ni Gng. Josephine Saclayan, Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Bamban Tarlac, kasabay ng pagkukuwento niya ng mga naging sakripisyo sa trabaho mula pa ng pagputok ng Mount Pinatubo, bilang isang kawani ng gobyerno.

Tulad ni Gng. Saclayan, ay hindi matatawaran ang mga ginawa at ginagawa pang sakripisyo ng mga kawani ng gobyerno para sa mga nangangailangan, sa bulnerableng sektor, lalong-lalo na sa mga katutubo.

Sa bayan ng Bambam, magmula pa ng taong 1998 ay wala ng (recorded) na kaso ng mendicancy sa mga katutubong naninirahan dito. Ang hindi birong gawang ito ay napagtagumpay ng bayan sa tulong na rin ng mga proyektong bigay ng Local Government Unit (LGU) at partner National Government Organizations (NGOs) tulad ng University of Sto. Tomas (UST).

“Ang kailangan po ng mga kapatid nating katutubo ay edukasyon. Ang kailangan nila ay ligtas at libreng transportasyon upang sila ay makarating sa paaralan,” dagdag pa ni Gng. Saclayan. Kaya naman, ngayong buwan ng Setyembre ay nangangalap na ng datos ng mga elementarya at sekondaryang mabibigay nitong educational assistance, ang LGU. Plano ng munisipyo sa susunod na taon ay dagdagan ng isa pang “Love Bus” na esklusibo para sa mga estudyanteng Aeta sa Bamban, Tarlac na maghahatid-sundo sa kanila sa eskwela.
Ang “Love Bus” ay isang proyekto ng lokal na pamahalaan ng Bamban, sa pangunguna ng kanilang Local Chief Executive, na naglalayong magbigay ng agaran, libre, at may seguridad na transportasyon para sa mga mahihirap na mag-aaral na nakatira sa mga remote areas ng naturang bayan; hatid-sundo ang mga bata ng tatlong bus.

Dahil dito ay dumami ng mahigit 50% ang mga nag-aaral na bata sa Bamban, matapos ang pitong (7) na taong implementasyon. At higit pa riyan, ayon sa mga magulang ng mga bata ay hindi bababa sa P13,000.00 kada bata ang natitipid nila sa kada taon.
Ang bawat apat (4) na Sitio rin ng Barangay Anupul (Sitio Gayaman, Mabilog, Malasa, at Mauricia), na pawang mga katutubo ang naninirahan, ay mayroong mga kani-kaniyang Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars (BNS), at motorcycle services na kanilang nagagamit kapag may kailangan dalhin sa ospital. Kaya naman agarang nakakaabot ang mga health services sa kanilang mga pintuan. Mayroon ding dalawang Day Care Centers sa naturang barangay, at nakalatag na rin ang pagpapatayo pa ng dalawang Supervised Neighbourhood Play (SNP) sa dalawa pang barangay.

Kilala rin ang barangay Anupul bilang partner-community ng UST. “Kami dito sa Barangay Anupul ay partner-community na ng UST. ‘Di tulad ng adopted community, na dole out, kami ay may counterpart rin, hindi man monetary, sa bawat proyektong nilalaan sa amin,” pagpapaliwanag ni Gng. Lucia Guya, Day Care Center Worker ng Sitio Mabilog, Bamban, Tarlac. Sa tulong ng UST, mula ng taong 1998 ay nagkaroon na ng pagkakataong makapag aral muli ang mga matatandang katutubo, sa pamamagitan ng Distance Education o Radio-Based Instruction (RBI) Program (read more: http://www.deped.gov.ph/als/programs). ### (Andyleen C. Feje)