“Masayang tawanan ang mga bagay na minsan mong kinatakutan,” gamit ang mga salita ng manunulat na si Eros Atalia, ganito ilarawan ni Edmar C. Tigulo, 22, isang dating Students Grant-in-Aid for Poverty Alleviation (SGP-PA) iskolar ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o (4Ps), ang kanyang kasaluyang pakiramdam.

Ang minsa’y isang mag-aaral ng Central Luzon State University (CLSU) na natakot na hindi makapagtapos ng pag-aaral ay s’ya ngayong isa sa mga abala sa panghihikayat sa mga mag-aaral ng Exequiel R. Lina High School na magsumikap na makapagtapos ng pag-aaral. “Sabi ko sa mga estudyante ko, mag-aral lang kayong mabuti, gawin n’yo ang part ninyo. Kapag nakita ng D’yos na ginawa mo ang best mo, ibi-bless ka n’ya–darating ang bagay na ‘di mo inaasahan,” bahagi ni Edmar.

Isa sa mga tinutukoy na ‘di inaasahang biyayang ito ni Titser Edmar ay ang pagdating ng SGP-PA, isang partnership-program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Higher Education (CHED), Department of Budget and Management (DBM), Department of Labor and Employment (DOLE), at Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUCs) na naglalayong magbigay ng suporta sa mga kolehiyong benepisyaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng pagbibigay tulong pinansyal na nagkakahalaga ng Php60,000.00 kada taon o Php30,000.00 kada semestre bilang pangtustos sa kanilang tuition at miscellaneous fee, pambili ng libro at iba pang learning materials, at stipend (kasama na ang lodging, clothing, transportation, health/medical needs, basic school supplies and other related costs).

Dating nakatira sa dormitory si Edmar, kung saan hindi maiwasang araw-araw siyang mawalan ng sabon at iba pang gamit, kaya nasasakripisyo madalas ang pambili niya ng pagkain. Madalas din ay nagtityaga na lang siyang mag-type ng kulang sampung pahinang reaction paper, mula sa kanilang bahay hanggang makarating siya ng paaralan, gamit ang kanyang hindi naman ganoon ka-hitech na cellphone upang mas makatipid pa ng gastos pambayad sa computer cafe, dahil wala naman siyang sariling laptop o computer. Sapat lang sa kanyang pagkain at pamasahe ang kayang ibigay ng kanyang mga magulang, kaya naman hirap si Edmar isingit ang mga iba pang gastos sa paaralan tulad nito.

Ang kanyang ama ay isang magsasaka na sumasaydlayn bilang security guard at janitor ng isang paaralan samantalang ang kanyang ina nama’y madalas sumasaydlayn lamang na magtinda ng kakanin. Kadalasan nga’y kinukulang ng ilang piso ang kanyang pamasahe pauwi sa kanilang tahanan, tuwing matatapos ang linggo. “Hiyang hiya po ako sa sarili ko, kulang ng piso yung pamasahe ko. Tinitignan ako ng driver. Masakit po sa akin ‘yun, naawa po ako sa sarili ko at naitanong sa aking ina, ‘nay ganito nalang ba tayo,” gunita ni Titser Edmar.
Ilan lamang ito sa marami pang karanasan ni Edmar sa kolehiyo na nagpapatunay lamang ng palasak man na kasabihang ‘hindi birong mag-aral at magpaaral ng kolehiyo.’ Isa itong malaking pagsubok sa katatagan ng mag-aaral at ng kanyang pamilyang, na dapat ay nakaantabay sa kanya. “Kapag po umuuwi ako noon sa amin, tuwing biyernes, sinabi po ng nanay ko ‘ayan na naman si hakot-hakot,’ bansag sa akin dahil kapag umuuwi ako ng biyernes at bumalik sa paaralan ng linggo’y kailangan may dala-dala ng allowance,” natatawang ikunuwento ni Titser Ed.

Kaya naman laking pasasalamat nila sa pagdating ng SGP-PA, na s’yang naging kaagapay nila sa pagpapatapos sa kanya ng kolehiyo. Kaya naman ngayon, si Titser Ed ay isang proud iskolar. “Nakaka-proud isipin, na ang isang magsasaka ay makakapagpatapos ng Titser, English major pa,” dagdag pa niya. Si Titser Edmar ay panganay sa kanilang apat (4) na magkakapatid at siya rin ang unang nakatapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya, sa poder ng kaniyang ama, kaya naman s’ya ngayo’y nagsisilbing inspirasyon, hindi lang sa kaniyang pamilya, maging sa iba pang mag-aaral sa kanilang bayan.

“Mula grade one hanggang high school ay laging isa si Edmar sa mga nangunguna sa klase, makakakitaan mo ng sariling sikap. At ngayon, kahit siya ay guro na rin ay hindi pa rin siya nagbabago, hindi nakakalimot. Napakamagalang ng batang iyan. Kaya maswerte ang aming paaralan,” bahagi ni Gng. Bernarda Agustin, 51, dating naging guro ni Edmar ng siya ay nasa elementarya pa lamang at ngayo’y kaniya nang co-teacher.

Sa kasalukuyan, si Titser Edmar naman ang may iskolar, siya mismo, na ngayo’y nag-aaral ng Master’s in Education, at ang sumunod sa kanyang kapatid na noo’y kailangan pang maghinto ng dalawang taon sa pag-aaral, ngayo’y kumukuha na ng Bachelor of Science in Criminology.

“Sa buhay ng tao, darating yung pagkakataon na madadapa ka, mawawalan ka nang pag-asa pero hindi mo makikita yung ganda ng isang bagay, ng isang lugar. Kailangan nating magpatuloy sa buhay dahil kung hihinto ka ay hindi mo makikita na mas maganda pa pala ang mga susunod na pahina. I’m challenging them na tapusin ang kanilang pag-aaral, at magsilbi ring inspirasyon sa iba ang kanilang mga istorya,” ito ang nais iwanang mga kataga ni Titser Edmar sa mga kasalukuyan at papausbong pang iskolar ng bayan.

image_pdfimage_print