Kamakailan lang ay bumisita ang Regional Technical Staff ng DSWD Field Office III ng Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) sa pangunguna ni Ms. Rhea Lynn Cabiling sa ikalimang probinsya, ang probinsya ng Tarlac upang pag-aralan at busisiin ang mga case folders ng mga case workers ng nasabing programa sa buong rehiyon. Layunin ng pagbisitang ito na siguraduhin ang kahandaan ng mga kinakailangang impormasyon at datos ng mga benepisyaryo—kung ito ba ay tama at kumpleto, upang mas mapaigting pa ang mga karagdaagang suporta, at bilang paghahanda na rin sa mas maayos na pagdaloy ng transisyon ng ilang benepisyaryo mula sa MCCT patungong Regular CCT (RCCT) o Pantawid Pamilayang Pilipino Program (4Ps).

Kabilang din sa pagbisitang ito ay ang pagtukoy sa mga best practice ng bawat probinsya, pati na rin ang paninigurado kung tama ba o talagang naibibigay at nakakatulong ang dagdad na livelihood assistance ng MCCT, sa kanilang mga benepisyaryo, na tinatawag na Support Services Intervention (SSI).

_______________________________________________________________________________ 

Pinagsama-sama ang mga taong may puso, ito ang mga katagang pinaghahawak ni Ms. Rhea Lynn Cabiling, ang Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) Focal Person ng Region III, mula ng magsimula ang MCCT, hanggang ngayong patuloy pa rin ang pagtakbo ng programa.

Isa sa mga tinutukoy ni Ms. Cabiling ay si Ms. Maria Angelita Tariga, 33, isang Community Facilitator Assistant (CFA) sa probinsya ng Tarlac. Si CFA Tariga ay apat (4) na taon ng nagtatrabaho sa DSWD.

Ang probinsya ng Tarlac ay may isang (1) siyudad at 17 munisipyo, anim (6) dito ay nasasakupan ng programang MCCT; may kabuuang  625 beneficiaries ang probinsya. Ito rin ang kabuuang bilang ng benepisyaryo na hinawakan ni CFA Tariga ng halos dalawang (2) taon, ng mag-isa. Kailangang niyang gawin ang trabaho ng apat na field workers ng isang (1) taon at siyam (9) na buwan, dahil walang gustong magtagal sa mga bagong empleyado. Upang maabot at mabisita ang mga benepisyaryo ng MCCT ay kailangan ng isang field worker na maglakad ng kilo-kilometro, umakyat ng ilang bundok, at tumawid ng ilang ilog.

Ang pinakalapit na area of assignment ni CFA Tariga ay mararating nito matapos bumiyahe ng isang oras mula sa kanilang opisina, at tumawid ng isang ilog;  samantalang ang pinakamalayo nama’y kanyang mararating pagkatapos bumiyahe ng isang oras at kalahati, maglakad ng apat na oras at tumawid ng humigit kumulang sampung ilog, at dalawang bundok.

“Ang trabaho ng asawa ko ay punong-puno ng peligro, may mga NPA pa minsan sa area,” ito ang ibinahagi ni Mr. Samuel Tariga, asawa ni CFA Tariga na pinili na lamang huminto sa pagtatrabaho bilang executive driver ng isang pribadong kumpanya upang kanya namang ipagmaneho at samahan ang asawa, sa lahat ng lakad nito. “Kumikita nga sa amin ang gobyerno,” biro pa niya. Walang nakukuhang dagdag na kita ang mag-asawa sapagkat hindi naman sila maaaring magtrabaho sa isang programa. At hindi rin naman handang ipagpalit ni Mr. Tariga ang asawa sa pera, sapagkat kahit buntis ay pumapasok pa rin ito at umaakyat sa mga lugar ng benepisyaryo. Dalawa nga sa kanilang apat (4) na anak ay kung tawagi’y MCCT babies.

“Ang paglilingkod ko sa mga Indigenous People (IP)-beneficiaries ay extension ng aking misyon bilang isang faithful servant. Dedicated ako sa kanila ‘cause I know this is a great calling bilang kristyano, at ang experiences ko ay always life changing,” pagbibigay diin ni CFA Tariga.

Si Tarcila Pedariza, isang Parent-Leader ng Barangay Bueno, Capas, Tarlac, ay lubos na nakasaksi sa lahat ng sakrispisyong ginawa ni CFA Tariga, bilang mabuting empleyado ng gobyerno at pati na rin bilang isang simpleng tao. Ang Barangay Bueno ay kung tawagin ay isolated barangay sapagkat tuwing umuulan ng malakas ay halos ilubog ang barangay na ito ng ilog, hindi makalabas ang tao, kaya naman pahirapan pumunta ng palengke at high school. Sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan si CFA Tariga upang magkaroon ng tulay na magkokonekta sa barangay nila palabas ng kabayanan, o kahit hand rail man lamang.

“Mahal na mahal po namin ng mga katutubo si Ma’am May Ann [Maria Angelita Tariga]. Hindi po namin lahat makakalimutan noong bago s’ya rito, ang sabi n’ya sa amin, ‘ituring n’yo akong parang kapatid n’yo, lahat tayo ay mahirap, lahat tayo ay pantay-pantay, magkakapatid tayong lahat,” kwento ni PL Pedariza.

Karamihan sa mga katutubo sa barangay Bueno, maging si PL Pedariza ay nabigyan na ng Support Services Intervention (SSI) ng MCCT; bawat isa ay binigyan ng limang (5) kambing. Marami sa kanila ay pinalaki at binenta ang mga ito upang ibili naman ng alagang baboy o kalabaw, o kaya’y pinampuhunan sa tindahan.

“Ang dami na pong magagandang pagbabagong nadulot sa aming mga katutubo, ng inyong programa at ng mga mabubuti’t matitiya ninyong manggagawa. May mga nakapagpaayos na ng bahay, nakapagpaaral ng mga anak, at higit sa lahat ay natututo kami kung paano makisalamuha. Kaya taos-puso po ang pasasalamat namin sa inyong lahat,” ito ang pabaon na mga kataga ni PL Pedariza sa programa, at mga katulad ni CFA Tariga at matiyang iniimplementa nito. ### (Andyleen C. Feje)

 

image_pdfimage_print