“Hindi lang po ang mga anak niya ang pinag-aral niya, kundi lahat ng posible n’yang pag-araling katutubong bata,” isa lamang ito sa maraming alaala ni Norma Castillo, isang Elder sa Sitio Kinaragan, Barangay Duale, Limay, Bataan, isang komunidad ng mga katutubong Pinoy, tungkol kay Danilo “Danny” B. Salonga, ang Modelong Ama ng Pantawid Pamilya sa Gitnang Luzon.

Sa kasaysayan ng mga katutubo ay hindi prayoridad ang edukasyon, ayon na rin sa kanila, sapagkat kung hindi sila nakakatikim ng mapapait na lait mula sa kanilang kaklase ay kailangan naman nilang tumawid ng ilog at lumakad ng ilang kilometro marating lamang ang kanilang paaralan. Ngunit ang kaisipang ito ay nabasag na sa Sitio Kinaragan, sa tulong ni Bokal Danny Salonga, isang Aeta-Magbakon.

“Hindi lamang po siya mabuting ama, kundi mabuting kaibigan at lider,” ganito naman ilarawan ni Konsehala Rita Salonga, panganay na anak ni Tatay Danny.

Dalawapu’t pitong taon na Chieftain o puun ng tribong Magbukon sa kanilang lugar si Tatay Danny, at sa loob ng 27 taon na iyon, sa kabila ng kawalan ng sweldo at honorarium, ay napagtagumpayan niyang pag-aaralin ang mga anak, at mailapit ang posibilidad na makapag-aral din at magkaroon ng magandang buhay pati na ang mga kapwa niya katutubo, lalaki man o babae. Ngayon, ang bagong Chieftain ng tribo, ay isang babae, si Margarita Rosales.

Ayon kay Bokal Danny, ang pagpili ng magiging lider at ng mga miyembro ng konseho (council of elders) ay idinadaan sa isang pangkalahatang pagpupulong.  Matingkad sa kanilang isinasaalang-alang sa pagpili ng kanilang magiging pinuno ay ang kakayahan nitong pamunuan ang buong komunidad ng may pagmamalasakit sa bawat miyembro ng komunidad at nagsusulong para sa ikauunlad hindi lamang ng kanilang kabuhayan kung ‘di pari pagpapanatili ng kanilang kultura at pag-aalaga sa kanilang lupaing mana.  Sa kasalukuyan, ang kanilang konseho (council of elders) ay binubuo ng parehong mga lalaki at babae.

Nakapagpasa si Bokal Danny ng resolution, Resolution No. 95 noong July 11, 2016 na naglalayong pondohan ang pagsusukat at pagpapalabas ng mga sertipiko o titulo ng lupa ng mga katutubo (ancestral domain title) para sa mga Aeta ng probinsya ng Bataan, na nagkakahalaga ng 4.2 milyong piso. At hindi lamang natatapos doon ang lahat, sapagkat ang 20% ng neto o kita ng probinsya ng Bataan ay direktang napupunta sa samahan ng mga katutubo na may maayos na istraktura ng organisyon. At binibigyan din ng tatlong araw sa isang ligngo na makapagtinda ang mga katutubo ng kanilang tanim at ani sa palengke ng bayan ng Limay.

Ang panganay na anak ni Tatay Danny, Si Rita S. Castillo, ay isa na ngayong Konsehala ng bayan ng Limay, at tagapataguyod at kinatawan at s’yang ng boses ng mga katutubo sa kanilang bayan. At sa mas mataas na kapulungan naman, sa buong probinsya, si Tatay Danny ang Bokal ng tribong Ambala at Magbukon sa dalawang distrito ng probinsya ng Bataan; siya ay miyembrong ex officio ng Sangguniang Bayan na itinalaga ng National Commission on Population (Popcom). Sa kabila ng maraming diskriminasyon, noong una, tulad ng kawalang respeto at hindi pagsama sa kaniya sa mga pagpupulong ng mga opisyales ng probinsya, ay nanindigan at tinayuan ni Tatay Danny ang naturang posisyon, at ngayon nga siya ay mas kilala na rin sa tawag na Bokal Danny at s’yang takbuhan ng mga katutubo, Ambala man o Magbukon.

“Mahirap magkasakit at maospital kapag IP (Indigenous People) ka kasi kung wala kang kakilala sa munisipyo o kapitolyo, ‘di ka papansinin, kaya naman po napakalaking ginhawa na nandoon na sila Konsehala Rita at Bokal Danny,” bahagi ni Elder Norma.

Ang ikalawang anak, si Rea, ni Tatay Danny ay isang Nars sa isang Paaralang Pangkomunidad (Community School). Samantalang ang kanilang ikatlong anak, si Rubie Anne, ay hindi pinalad na makapagtapos ng pag-aaral at maagang nakapag-asawa, ngunit ngayon ay hiwalay na sapagkat siya’y binubugbog ng napangasawa. Dahil busog sa kaalaman tungkol sa karapatan ng kababaihan, ang mga babae sa kanilang lugar, kabilang ang kaniyang mga anak, ay kahit hindi niya inuudyukan si Rubie Ann, ay lumapit na ito sa kinauukulan upang mapag-usapan ang kanyang kalagayan. Sa kasalukuyan ay masayang naninirahan si Rubie at ang kaniyang tatlong gulang na anak sa puder nila Tatay Danny, malaya naman itong dalawin ng kanyang ama.

Ang ikaapat na anak, si Riza, nama’y matatapos na ng Bachelor of Arts in Education ngayong taon. Sina Daryl at Epra nama’y nasa sekondarya, samantalang ang kanilang bunsong anak na si Iris ay nasa ika-apat na baitang. “Hindi dapat na ganito na lamang ang mga katutubo, kailangan din naming paunlarin ang aming mga kaalaman at pag-aaral na s’yang daan para umangat kami at makatawid sa kahirapan.  Ayaw din naming maranasan pa ng aming mga anak ang hirap na dinanas—mga pagmamaliit at pangungutya sa mga sinaunang katutubo,” paliwanag ni Tatay Danny.

“Ngunit hindi lamang mga anak ni Tiyo Danny ang binubuhay niya,” kwento ni Elder Norma habang patuloy na umagos ang luha sa kanyang mga mata. Pinilit ni Tatay Danny na makisalamuha sa maraming organisasyon, dumalo sa mga training, kahit tanging pamasahe lamang ang mayroon s’ya, upang mayroon s’yang maibahagi sa mga kapwa katutubo. Sa tulong ng People’s Development Institute (PDI) at ng Department of Trade and Industry at ang ibinahaging (donated) lupa ni Tatay Nilo ay nakapagpatayo sila ng Food Processing Center sa kanilang Sitio, na siyang pangunahing pinagkakaabalahan at pinagkakakitaan din ng 20  miyembro ng Samahan ng Kababaihang Aeta sa Kinaragan (SKAK), kabilang na ang pangulo nito, ang kaniyang asawa, si Nanay Marissa Salonga. Tutol si Tatay Danny sa ideya ng pagbebenta ng kanilang lupa o ancestral domain, bahagi ng kanyang panganay, kaya naman pala’y mayroon s’yang pinaglalaanan. “Kung walang lupa’y wala na ring mga katutubo,” pagbibigay diin ni Tatay Danny.

Dahil din sa pagsusumikap at binahaging lupa ni Tatay Danny ay mayroong na silang chapel, basketball court, at paaralan na kanilang Sitio. Patuloy din ang paghahanap ni Tatay Danny ng mga magiging sponsor ng mga scholars na batang Aeta sa kanilang lugar. Hindi nakatapos ng Sekondarya si Tatay Danny, kaya naman gano’n na lamang ang kanyang pagpapahalaga sa edukasyon. “Hindi makakaahon sa kahirapan, kung walang edukasyon na tangan,” paniniwala ni Tatay Danny.

Hindi lamang sa kanyang anak at asawa kundi pati narin sa mga diskriminadong sektor ng lipunan ang pagmamalasakit ni Tatay Danny. Tunay nga siyang isang modelo—ama ng bayan, ama ng lipunan (bapa ning amak, bapa ning lipunan).

Sa kasalukuyan, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Commission on Human Rights (CHR), pinaglalaban ni Bokal Danny ang Zero Hunger Bill. At nito nga lamang January 31, 2017 sila ay nagpulong sa kongreso upang pag-usapan at mas mapaikting pa ang naturang panukala.

Naniniwala si Bokal Danny na, “ang lahat ng oportunidad at pag-unlad at dapat bukas sa lahat, lalaki man o babae, bata man o matanda, taga-patag man o taga-bundok.” Ang kanyang prinsipyong patuloy na pinanghahawakan, hanggang ngayon, ay ‘hindi dapat tumigil bagkus unti-unting sumulong ‘pagkat laging may takdang panahon’. ### (Andyleen C. Feje)

 

image_pdfimage_print