Ito ang kwento ni Parent-Leader (PL) Marites R. Literal, 38, isang Aeta-Magbukon, at isang Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) beneficiary ng Sitio Upper Biaanan, Sisiman, Mariveles, Bataan.

Si Marites ay maybahay ng isang magsasaka at magpupulot (honey collector) at may apat na anak. Siya rin ay kasalukuyang Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) at Parent-Leader ng 16 na benepisyaryo, apat dito ay sa MCCT, samantalang ang 12 ay sa Regular CCT o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Si PL Marites ay nagsilbi bilang Community Secretary mula taong 1999 to 2014, kung saan siya ay isang volunteer at walang nakukuhang sweldo ni allowance. Siya noon ay nagsisilbing middle woman o tagapagpadaloy at tagapaghatid ng impormasyon, isyu, at suhesyon ng dalawang panig—ang panig ng mga regular na katutubo at ang panig ng kanilang mga tinatawag na elders at tribal leaders o tagapamuno. Pagpasok ng taong 2015 ay naitalaga naman si PL Marites bilang IPMR. Ilan sa kanyang mga naging proyekto ay ang pagpapatayo ng humigit kumulang 500 metrong kalsada pababa sa kanilang paaralan at pati na rin ang kung tawagin nila’y pathway sa paligid nito upang hindi mabasa at maputikan ang mga bata tuwing umuulan.

Ang paaralan sa kanilang Sitio ay napatayo taong 2000, sa tulong ng mga Non-Government Organizations (NGOs) tulad ng Integrated Foundation Learning (ITL) at ng bahayanihan na rin ng mga katutubo roon. Nagsimula lamang ito bilang isang simpleng kubo, hanggang sa mapalago nila ito bilang isang Integrated School na mayroon na ring Sekondarya.

Bagamat maituturing na malaking tulong sa pamayanan si PL Marites, aminado siyang noo’y nayayakag niya ang mga kapatid na katutubong magsugal, “animo’y nakadikit na sa kultura at pang-araw araw naming gawain noon ang paglalaro ng kara krus,” kwento niya. Ngunit, ng mapili ang kanilang pamilya at apat pang katutubong pamilya bilang MCCT beneficiaries ay unti-unti nila itong pinilit binura sa kanilang nakasanayang gawi. Noong una’y dahil lang din takot silang mabawasan ang matatanggap na grant, ngunit ng huli’y nabuksan din ang kanilang isipan na hindi ito mabuting gawi na pagnaglao’y dadalhin din ng kanilang mga anak, sa tulong na rin ng Family Development Sessions (FDS) at mga iba’t ibang trainings na nadaluhan ni PL Marites na may kinalaman sa leadership o pamumuno.

Naniwala si PL Marites na s’ya, at sila ay may mga mas makabuluhang bagay pang pwedeng paglibangan, isa na nga rito ang paggawa ng roasted cashew nuts na kanilang natutunan sa tulong ng Local Government Unit (LGU)-Philippine Employment Service Office (PESO). Sila ay nabiyayaan ng bagong skills at mga bagong gamit din sa paggawa ng nasabing produkto. Nito lamang ding kakatapos na Oktubre 17 hanggang Nobyembre 5 (20 araw) ay nagtanim ng mga buto ng mangga, kasoy, langka, at luya sina PL Marites at kanyang mga katutubong miyembro, bilang bahagi ng Cash for Work Program ng DSWD, sa kanilang mga Ancestral Domain (AD). Hiling nila ngayo’y sana sila ay mabigyan pa ng mga buto o seedlings at mga alagang hayop, na kanilang sabay-sabay na papalakihin at pararamihin, upang matiyak na ang kanilang kaapuapuhan ay ‘di lang basta may lupang mamanahin ngunit pati pagkakakitaan na rin.

“Hindi sa habang panahon ay may tutulong sa ating mga Aeta, kaya mag-aral kayong mabuti. Darating ang araw na hihinto na sila sa pagtulong sa atin, hindi dahil sila’y sawa na ngunit dahil marunong na tayong tumayo sa sarili nating mga paa,” laging paalala ni PL Marites sa mga batang Aeta.

Sa kasalukuyan, sa paglalakas na rin ng loob ni PL MArites na sumulat sa Alternative Learning System (ALS) head office ay nagpadala ang nasabing ahensya ng tatlong (3) guro upang tumutok sa mga magulang na hindi marunong magbasa at magsulat, tuwing miyerkules. Ang kanilang pag-aaral ng basic literacy ay ginaganap sa kanilang Multi-purpose hall, na may kumpletong school supplies, sa tulong na rin ng mga nilapitang NGOs ni PL Marites. Sa kasalukuyan din ay mayroong 10 high school scholars si PL Marilyn, lima (5) rito ay sa ilalim ng National Commission on Indigenous People samantalang ang natitirang lima (5) nama’y sagot ng LGU.

Adbokasiya ngayon ni PL Marites na maisama sa Department of Education (DepEd) curriculum ang kanilang kultura at mother tongue o lengguwahe. Sila ngayon ay mayroon ng Memorandum of Agreement (MOA) o kasunduan sa DepEd patungkol sa naturang usapin.

“Parang naging buhay ko na ang tumulong, kasi gusto ko lahat ng mga anak ng aking mga ka-miyembro ay makatapos. Gusto kong makapag-aral ang mga kabataan at magkaroon ng mas magandang kinabukasan, isang bagay na ‘di ko man naibigay sa sarili ko ay mailapit ko naman sa kanila,” pagbibigay diin ni PL Marites. ### (Andyleen C. Feje)

 

 

image_pdfimage_print