Mula sa isang mapagkumbabang barong-barong na gawa sa pawid at kawayan, iniinda ni Narda ang paglalakad sa halos isang kilometrong bukid sa ilalim ng masungit na init ng araw. Kasisimula pa lamang ng araw ngunit ang enerhiya ni Narda ay halos nakalahati na.

Pagdating sa silid-aralan, tila ba siya’y nakakalulon ng mahiwagang bato – nagpapalit ng anyo na mula sa matamlay na ginang ay nagiging isang malakas at masigasig na tagapagsilbi. Hudyat na nga, si Narda ay si Darna na.

Si Darna ay nagtuturo sa mga paslit na nasa apat hanggang limang taong gulang kung papaano magbilang, magbasa, kumanta, at sumayaw. Ipinapaalala din niya ang tamang paggamit ng ‘po’ at ‘opo’, ang pagmamano, at ang maayos na paglilinis sa sarili. Sa loob ng dalawang oras sa isang araw, tuwing alas otso hanggang alas dyis ng umaga, si Darna ay isang guro. Konting salapi man ang kapalit ng kanyang serbisyo ay hindi na rin umaalma si Darna. Ang mahalaga anya, “Nakapagsisilbi ako at nakapaghahatid ng pagbabago at pag-asa sa mga buhay ng mga batang tinuturuan ko.”

Matapos magturo ay tatawirin nanaman ni Darna ang mahabang dipa ng bukid. Sa dulo nito, sa taas ng isang maliit na burol kung saan naroon ang tirahan ng bida, naghihintay ang isang musmos na kung tawagin ni Darna ay ‘hulog ng langit’. Tawagin natin ang dalawang-taong paslit na si Ding. Si Ding ang siyang nagbibigay lakas kay Darna. Hindi man tunay na anak ay itinuturing ni Darna si Ding bilang kanyang buhay. Si Ding ay hindi katulad ng isang ordinaryong bata. Iniinda man ni Ding ang sakit na cerebral palsy, hindi ito nagiging hadlang upang siya’y makapagbigay-saya sa kanyang ina. Isang masiyahin at malambing na bata, si Ding ay madalas nahiga sa kanyang kuna at naglalaro ng maliit na bolang bigay ng ina.

Halos tanghali na at oras na upang magluto. Hindi pa man nakapagbibihis ng kanyang pambahay na damit ay didiretso na si Darna sa isa nanamang gampanin nito – ang pagiging isang ina at asawa.

Ngayong araw, bulanglang na gulay ang lulutuin ng ina. Ilang minuto na lamang at uuwi na ang kanyang mahal na asawa kaya dapat bilisan na.

Pagsapit ng alas-dose, tanghalian na. Masayang nagkakaharap-harap sa maliit na mesa ang maliit na mag-anak at pinagsasaluhan ang kakaunting ginisang gulay. Matapos magpahinga ay didiretso na naman ang asawa ni Darna sa bukid habang si Darna naman ay maglalabas na ng mga papeles na aasikasuhin habang hele-hele ang kanyang anak.

Bukod sa pagiging guro, asawa, at ina, si Darna rin ay isang Kalahi-CIDSS volunteer ng kanyang komunidad. Nakaatang sa kanya ang mabigat na gampanin ng pangunguna sa pagpapatayo ng irigasyong pinapangarap ng kanyang komunidad.

Papeles dito, papeles doon, training dito, barangay assembly doon – ganyan ang buhay-boluntir ng ating bida. Bukod dito, may mga araw din na nagbabahay-bahay si Darna upang sabihan ang kapwa-mamamayan nito na makilahok sa usapan ng barangay. Walang katapusang pagpapanik-panaog din sa project site ang ginagawa ni Darna upang siguraduhing maayos ang pagsasagawa ng nasabing irigasyon.

Tuwing araw naman ng pagtatanim at anihan, isinisiksik din ni Darna ang pagtratrabaho sa bukid sa kanyang pang-araw-araw na gawain. Batak sa gawain, si Darna lamang ang nakakaalam kung papaano niya napagkakasya ang 24 oras sa isang araw sa lahat ng trabahong kanyang ginagawa.

Takip-silim na. Pauwi na ang asawa ni Darna habang siya naman ay kakatapos lamang magluto ng hapunan. Pagkatapos kumain ay naghanda na ang pamilya para matulog. Matapos ang isang mahabang araw, si Darna ay magpapahinga na sa tabi ng kanyang asawa’t anak. Pagpikit ng kanyang mga mata, nag-uumapaw na kasiyahan ang kanyang nadarama dahil muli, maraming buhay na naman ang kanyang nabago at nabigyan ng pag-asa.

Walang duda na si Darna ay isang simbolo ng kalakasan ng mga kababaihan. Nagtataglay ng bukal na puso at malakas na dedikasyon upang mapaunlad ang kanyang pamayanan, si Darna ay tunay ngang isang yaman ng kanyang pamilya at ng kanyang komunidad.

Si Darna ay kilala rin bilang si Josefina Zamora, 55, isang simpleng mamamayan ng Talugtug, Nueva Ecija. ### (Ma. Dennielle M. Lomboy)

image_pdfimage_print