Aalis na si Aling Ailyn sa Pantawid Pamilyang Pillipino Program, aalis siyang may ngiti sa kanyang mga labi.
Si Marilyn “Ailyn” Feje, 46, maybahay, ay isa sa mga napiling benepisyaryo ng Pantawid sa Barangay Bertese,Quezon, Nueva Ecija.

Ayon kay Aling Ailyn, isa sa mga pangunahing pangagailangan ng tao ay pagkain, pagkain para sa kaniyang sarili at para sa kanyang pamilya. ‘Di man lubos na pinagkaitan nito ang pamilya nila ay masasabi naman niyang minsan di’y may kakapusan.

Nakasanayan na ng kanilang pamilya ang kawalan ng ulam tuwing umaga, hindi na ginagawang magtanong ng kanyang asawa at mga anak, basta may tirang kanin mula kinagabihan, iniraraos nilang simulan ang araw. Masama ang magpalipas ng gutom, kaya kung walang asukal at kape, hangga’t mayroon namang bagoong, toyo o kahit asin lang, basta’t magkalasa man lang ang kanin, gatas ng manok kung tawagin ng pamilya.

S’werte na ayon sa kanila kung tanghali at may tig-iisang “bangus” o “inasal” na sitsirya silang ulam. Pinaka swerte na kapag may tanggap na tahi si Aling Ailyn at maraming sumakay sa motor ng asawa niyang si Mang Andeng (Ferdinand Feje, 46), tiyak na iyong adobong baboy mula gabi hanggang kinabukasanbukasan ng tanghali ang kanilang ulam. Tig-iisang hiwa ang bawat miyembro ng kanilang pamilya ng karne na kasing laki ng kahon ng posporo, saka sasabawan ni Aling Ailyn ito ng isang tabo. Bawi na lang sa kanin.

Kaya nga hindi na rin naniniwala ang mga tao na wala silang makain dahil malalaki rin naman ang katawan ng mag-anak, ‘di nila alam ay bumabawi lang din naman ang mga ito sa kanin. Kaya naman ng minsang wala nang gustong magpahiram sa kanila ng bigas ay may isang kamag-anak nila nagpautang sa pamilya ng laon na bigas na mas malala pa ang lasa sa NFA na bigas na natambak, na kahit budburan na ni Aling Ailyn ng pagkarami-raming pandan ay ganu’n pa rin ang lasa. Ngunit mula sa pagkakataong ‘yon ay nalaman ng mag-anak na nasasanay din pala ang dila at ang sikmura.

Ang kasanayang ito, ayon kay Aling Ailyn ay lubos n’yang nasaksihan sa panganay niyang anak na si Andy (Andyleen Feje, 21). Nasanay na, ayon kay Aling Ailyn, ang kanyang panganay na hindi lang pagkain pati na rin ang hiya ay lunukin. Dinanas aniya ng panganay niya nung kolehiyo ito na magtinda ng tig-pipisong sitsirya, stick-o, jelly-ace, creamstick na halos limang piso lang din naman ang tubo kada balot; hanggang sa pamumulot ng mga pinagbasyuhan ng tubig, at mga lumang bakal at pakong tinanggal mula sa mga ginagawang gusali sa pamantasan ng CLSU (Central Luzon State University).

Lahat ng pwedeng pagkakitaan ay pinasok ng kanyang anak, maging ang pananahi ng mga maluluwang na uniform, t-shirts, at punda ng unan ng mga kaklase nito at ka-boardmates ng kaklase niya; pati na rin ang panggugupit ng buhok para lang may dagdag na panggastos para sa mga ipapaphotocopy na hand-outs at libro na kung tutuusin ay illegal, ngunit ano ngang magagawa wala namang pambili.

Ayon kay Aling Ailyn, tuwing titingnan o makikita niya ang anak na may uwi o dala na naman paninda, maluluwang na damit, gamit panggupit, o mga plastic at bakal, ay ‘di na sigurado ang kanyang mararamdaman; kung magiging masaya ba s’ya na naiisip ng kaniyang anak na makabawas sa gastos nila o malulungkot s’ya dahil hindi niya gustong nahihirapan ng ganito ang kanyang anak.

Pero ang pinaka kumurot sa puso ni Aling Ailyn ay nang minsang ikinuwento sa kanya ng panganay nila ang nangyari rito isang gabi. Hindi pare-pareho ang nabibigay nilang baon sa mga anak, at ang paaralan ng kanyang panganay ay may kalayuan sa kanilang bahay. Isang oras at kalahati ang byahe (dalawang sakay ng jeep), balikan ay P70.00 ang pamasahe. At kung minsan ay kahit anong pagtitipid ngunit dahil may mga ‘di inaasahang gastos sa paaralan tulad ng kontribusyon para sa mga proyekto sa klase ay nagkulang ng ilang piso ang pamasahe ng kanyang panganay pauwi. Hihintayin aniya ng kanyang panganay na malapit na sa kanto nila ang jeep at saka palang nito ipapaabot ang bayad. Tiningnan s’ya ng driver habang napapakamot ito sa kanyang ulo. Titingnan rin s’ya ng ibang pasahero, pero wala aniyang magawa ang anak kung hindi humingi ng pasensya.

Kaya naman napakalaking tulong ani Aling Ailyn ang pagdating sa buhay nila ang tulong ng gobyerno na Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Na tuwing umaga ay may itlog, o tuyo, at noodles na; at may totoo na ring isda para sa tanghalian at kung mas nakakaluwag pa ay totoo na rin ang manok na nakahain sa hapag. Hindi na lang din sila tig-iisang hiwa ng baboy, tatlo na. At ang pinakamasarap sa lahat ay hindi na nila madalas kailanganing umutang ng bigas. Nakakatikim na rin sila kahit papano ng bigas mula sa sariling bukid dahil hindi na lang nauuwi lahat ng inaaning palay ng pamilya sa pambayad ng utang. Hindi na rin kinakailangang magtago at magsara ng bahay dahil sa mga nakikipyestang kaklase ng mga anak niya dahil wala man lang mapakain kahit puto, mayroon na ring pampapasalamat sa tulong ng mahal nilang patron para mairaos ang isang buong taon.

At dobleng pasasalamat ang namutawi sa labi ni Aling Ailyn nang masaling iskolar ang panganay niya sa ESGP-PA kasabay ng pagiging University Scholar nito. Aniya’y pareho ang naramdaman nila ng kanilang panganay ng makakuha ito ng tulong na pera, hindi raw nito maibaba ang bag niya kasi noon lang ito nakahawak ng gaanoon kalaking salapi.

Dahilan doon ay hindi na kailangan pang magtinda ng anak niya ng kung anu-ano sa klase na napag-alaman nilang bawal pala, at ganu’n din ang pamumulot ng kung anu-anong pwedeng maibenta. Samantalang ang kinikita ng panganay nila sa pananahi at panggugupit ay nadadagdag naman nito sa kanyang ipon o “extra” na pinambibili naman nito ng pasalubong na inuuwi niya kay Aling Ailyn at Mang Andeng; “para pambawi man lang sa kanilang buong araw na paghihirap nila pagsusumikap,” ayon kay Andy, ganoon din para sa mga kapatid niya.
At ang pinaka magaan sa pakiramdam, ayon kay Aling Ailyn ay ‘di na niya naiisip ang anak na nagbibilang paulit ulit ng baon nitong pera tuwing matatapos ang araw; at sa pagbaba nito ng jeep ay pareho na silang nakangiti ng driver.

“Masasabi kong mas’werte pa rin talaga kami. Isang buong pusong pasasalamat sa Panginoon, at sa mga tao at institusyon o programang itinaguyod n’ya upang tumulong sa mga katulad namin. Ang pagtatapos ng hamon ng buhay sa kolehiyo ng aking anak ay ‘di namin mapagtatagumpayan kung hindi sa tulong n’yo. Kaya naman ngayong nabigyan siya ng pagkatataong magtabaho bilang Information Officer ng Pantawid sa Region III, kahit na ang ibig sabihin nito’y maaalis na ang aming pamilya sa programa, ako ay masaya,” aniya. “Alam ko, ng asawa ko, at ng mga anak namin na mahirap kami ngayon, at mabuti na ring alam namin. Pero may isa pa kaming bagay na alam at sinisigurado, ‘di namin hahayaang matapos na lang ang lahat dun at ‘di namin basta baliwalain ang tulong n’yo, sapagkat sa pagkakasali ko rito ay nalaman kong bawat pisong ibinigay ninyo ay maari kaming maitawid sa pagbabago,” dagdag niya. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print