Civil Society Organization Partner Pastor Edwin Villanueva is part of the validating team that visited the home of Orendain family as a part of the Search for Huwarang Pantawid Pamilya. Pastor Villanueva interviews Jose Mario about his perspective about Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Civil Society Organization Partner Pastor Edwin Villanueva is part of the validating team that visited the home of Orendain family as a part of the Search for Huwarang Pantawid Pamilya. Pastor Villanueva interviews Jose Mario about his perspective about Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Bata pa lamang ay nangarap na si Hermosa ng isang magandang buhay para sa kanyang magiging pamilya. Nguint sa hirap ng buhay hindi na niya natapos ang high school, at sa murang edad na 16 ay nakilala niya si Jose Mario, 19, isang mangingisda. Nagdesisyon sila na magpakasal noong 1984 at hindi naging ganun kadali ang buhay mag-asawa para kay Hermosa, napadalas ang pag-inom ni Jose Mario na naging dahilan ng pangbubugbog niya sa kanya.

Nagkaroon sila ng dalawang anak ngunit patuloy pa rin sa pag-inom at pagbibisyo si Jose Mario kaya’t nagkukulang ang dapat sana’y pera na pangtustos sa kanilang mag-anak. Isinalaysay pa ni Hermosa na kapag tag-ulan ay hindi makapagpalaot upang mangisda ang kanyang asawa kaya wala silang mapagpilian kundi gawing lugaw ang kanilang natitirang bigas.

Nung nagsimulang pumasok sa eskwela ang kanilang dalawang anak nahirapan sila sa pagtustos sa kanilang pag-aaral dahil sa mga bisyo ni Jose Mario. “May mga panahon pa na pumapasok sa eskwelahan ang mga bata ng walang baon at kapag recess na nila napipilitan na lang silang manatili sa kanilang mga classroom para di nila makita ang mga kaklase nila na kumakain ng kanilang mga baon.” Mangiyak-ngiyak na pagsasabi ni Hermosa.

Nang makita ng mag-asawa ang grado ng kanilang pangalawang anak ay nagsimulang mag-isip si Jose Mario na itigil na ang kanyang mga bisyo, aniya “Ang talino pala ng anak ko, ano itong ginagawa ko?” Pagkalipas ng sampung taon ng paghihirap ay nasimulan na ang pagbabago sa buhay ng pamilya Orendain.

Panibagong pagsubok ang hinarap nina Hermosa nang mag kolehiyo na ang kanilang mga anak. Nagpatuloy sa pag-aaral ng Nursing ang kanilang pangalawang anak sa tulong ng scholarship na kaniyang natanggap dahil siya ay nakapagtapos bilang isang valedictorian noong high school. Ngunit hindi pa rin naging ganoon kadali ang pag-papaaral sa kanilang anak dahil may mga gastusin pa rin silang kailangan bayaran at isama pa ang baon para sa kanyang pang-araw araw na gastusin sa dapat tugunan. Hindi sumuko ang mag-asawa at naging mas masipag pa si Jose Mario sa pangingisda.

Ang panganay naman nila ay hindi naging kasing palad ng kanilang pangalawang anak, dahil sa kagustuhan na mag seaman at mag-aral sa Philippine Merchant Marine Academy ay hindi sumuko ang kanilang anak na maipasa ang pagsususlit para siya ay makapasok sa kanyang nais na eskwelahan. Tatlong beses bumagsak sa pagsususlit ang kanilang anak at hindi siya sumuko bagkus sa mga panahong naghihintay siya sa panibagong taon upang makakuha uli ng pagsusulit sa PMMA ay naghahanap ito ng mapagkakakitaan upang makatulong sa kanilang pamilya at matutustusan ang kaniyang mga personal na pangangailangan.

Maging si Hermosa ay pinanghinaan na ng loob at sinabihan ang anak na huwag ng ipagpatuloy ang kaniyang pangarap ngunit sabi ng kaniyang anak, “Ito po talaga ang gusto ko ‘nay, hindi po ako susuko.” Sa pang-apat na pagkakataon ng pagsusulit ay nakapasa na ito at nakapasok sa PMMA. Gayunpaman, isang malaking pagsubok muli ito sa pinansyal na kalagayan ng mag-asawa dahil wala silang sapat na pagkukunan ng pera upang maibigay sa bayarin sa eskwelahan ng kanilang anak, sinubukan ni Hermosa na manghiram ng pera sa kanilang mga kamag-anak ngunit imbes na siya ay pahiramin ay may narinig pa siyang pangungutya mula sa mga ito at nasabi niya sa sarili niya na “Ngayon pa ba kami titigil kung kailan college na sila. Balang araw titigil din sila sa pagsasalita ng mga bagay na laban sa amin.”

Samantala, napabilang ang pamilya Orendain sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at ang kanilang dalawang nakababatang anak ay naka-enroll sa programa. Nakita ni Hermosa ang malaking pagbabago sa kanilang buhay simula ng sila ay mapasama sa programa. Ikinumpara niya ang buhay nila noon sa buhay nila ngayon. Mas naging maayos ang pagsasama ng mag-asawa at naging isang mas mabuting ina sa kanyang mga anak dahil sa Family Development Session.

Nasagot ang kanilang mga panalangin. Nasuklian ang pagtitiyaga at nagbunga ang bawat paghihirap ng mag-asawa ng matapos na sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Ang kanilang panganay na anak na si Nazir ay naging isang ganap na seman at nakapagtrabaho na at siyang tumutulong sa kanilang pamumuhay ngayon habang ang kanilang pangalawang anak na si Majendy ay nagtapos bilang isang Cum Laude at naging isang Registered Nurse.

Sa ngayon, patuloy sa pangingisda si Jose Mario habang si Hermosa naman ang naglalako ng kaniyang mga nahuli sa kanilang mga kapitbahay habang ang kaniyang pangatlong anak ay nasa kolehiyo na.

“Naniniwala ako na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng tagumpay, pwedeng mangarap ang mga bata ng mas matayog at mas mataas dahil ramdam ko ang suporta ng gobyerno sa mga batang determinado upang makapagtapos ng pag-aaral. Ang hangad ng programa na maitawid ang Pamilyang Pilipino sa kaunlaran ay totoo dahil ito ang naranasan ng aming pamilya at pwede ring maranasan ng mga iba pang pamilya na naghahangad na makamit ang pagbabago at tagumpay sa kabila ng kahirapan.” Isang malaking ngiti ang naiwan sa mukha ni Hermosa pagkatapos ng mga katagang ito. # (Alexine Bianca RdS. Castaneda)

image_pdfimage_print