“Iwasan natin ang mercy compliance. Hindi natin gusto sa programa na isipin ng mga magulang at bata na kahit hindi sila pumasok sa eskwela ay makakakuha pa rin sila ng cash grant. Gusto nating turuan ang mga beneficiaries na pumasok araw-araw dahil naniniwala tayo sa ating mga benepisyaryo at naniniwala tayong malaki ang maitutulong ng pagpasok araw-araw sa pagkatuto ng mga bata.” Ito ang isa sa mga usaping binigyang diin ni Bb. Celina Tongson, Regional Compliance Verification Officer sa 2017 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o 4Ps) Consultation with Partners para sa probinsya ng Zambales na ginanap kamakailan sa Olongapo City.

Ang layunin ng naturang consultation meeting, ani G. Jasper Nicolas, Provincial Link ng 4Ps sa Zambales, ay ang makakalap ng reports mula sa mga partner implementers ng programa mula sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH). Dahil walang kakayahan ang DSWD Field Office III na i-orient ang lahat ng mga local partners ay naniniwala ito na ang mga piniling dumalong school principals, municipal health officers, at iba pa, ay ang magiging tulay ng ahensya para sa pagpapadaloy ng mga mahahalagang impormasyon hingil sa pagpapatupad ng programa, dagdag ni G. Nicolas.

Kung usapang “partner” lang din nama’y hindi binigo ang ahensya ng mga dumalo sa naturang konsultasyon. Ayon kay Bb. Jane P. Jose, School Principal ng San Miguel High School, sa San Antonio, Zambales, “Sa DepEd po ay may forever. Hindi namin sinusukuan ang mga bata para maibalik sila sa eskwela, gamit ang lahat ng possible interventions. Kaya ka-partner n’yo po kami sa laban na ‘to.”

Sinang-ayunan naman ito ng iba pang kabahagi sa plenaryo. Ayon pa sa kanila ay napakalaki ang naging ambag ng programang Pantawid sa pagbawas ng bilang ng drop-outs, paglaki ng bilang ng enrolees, at pagiging cooperative ng mga magulang ng mga estudyante sa elementarya at high school sa probinsya ng Zambales. “Dumami rin ang mga batang nag-eenroll mula sa far flung areas. Kaya pwede nating sabihing marami ng Indigenous People o katutubo ang nakatawid na,” dagdag pa ni Bb. Mayden Rondero, School Principal ng San Marcelino Elementary School.

At upang mas maging masigasig pa ang mga bata at mga magulang sa pag-aaral at pagpapaaral, at pagbisita sa mga health facilities ay mayroon ding mga lokal na programa ang bawat munisipyo bilang pagsuporta. Isa na dito ang Pantawid Pananghalian ng Botolan, Zambales, na naglalayong magbigay ng libreng tanghalian sa mga batang nakakatira sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA)—sa mga batang literal na kailangan pang tumawid ng ilang bundok at ilog para lamang makapasok sa eskwela. Ang Pantawid Panghalian ay pinangaralan ng DSWD Field Office III bilang isa sa mga Best Practice ng Central Luzon noong nakaraang taon.

“Aside sa health services na naibibigay ng Rural Health Unit, lahat ng 4Ps beneficiaries sa amin ay libre sa Kainomayan Primary Hospital, even sa laboratory exams. Libre lahat ng hospital fees,” bahagi naman ni Dra. Marion Sengco, isang Physician ng Rural Health Unit, mula rin sa Botolan.

Ang probinsya ng Zambales ay binubuo ng 14 na bayan (1 city and 13 municpalities), 247 na mga barangay. Mayroon 18,331 sambayan mula rito ang benepisyaryo ng Pantawid (4Ps). Kaya naman, upang mas matutukan pa ang tiyak na pag-unlad ng mga ito, napakalaking bagay ng pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga kabahagi ng programa, mula nasyonal hanggang lokal.

Ang naturang konsultasyon ay gagawin din sa anim pang natitirang probinsya ng Gitnang Luzon sa mga susunod na araw, bago matapos ang buwan ng Setyembre. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print