Nagkaroon ng konsultasyon ang mga teachers, school coordinators, at health workers mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya ng Tarlac, sa pangunguna ng DSWD Field Office III at DSWD Provincial Exntension Office, nitong ika-18 ng Setyembre, sa kabisera ng naturang probinsya. Ang naturang pagpupulong ay may kinalaman sa implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

“Layunin ng activity na ito na magkaroon ng re-orientation para na rin sa mga bagong school coordinators at municipal health workers, tugunan ang mga issues and concerns na hinaharap nila as our partner implementers, at gumawa ng venue kung saan pwedeng mai-share ng bawat schools and health centers ang kani-kanilang best practices,” bahagi ni Ms. Celina Tongson, Regional Compliance Verification Officer ng DSWD Field Office.

Isa sa mga lumutang na best practice ay ang pagpapahiram ng lupa ng isang eskwelahan sa mga magulang, pawang mga katutubong Aeta at 4Ps beneficiaries, upang mapagtaninam ng mga gulay tulad ng sitaw, petchay, sayote, at kalabasa, sa tulong na rin ng mga miyembro ng faculty ng naturang paaralan, at ng agricultural leader nito.

“Dahil ang bayan, ang market, mula sa amin ay 17 kilometers away, at dalawang oras at kalahati kapag nilakad ay pinagagamit namin ang lupa sa eskwelahan para matamnan ng mga magulang, na s’ya nilang binebenta o inuulam,” pagkuk’wento ni Mr. Ferdinand gregorio, Head Teacher I ng Dueg Resettlement Elem. School, ng Brgy. Dueg, San Clemente, Tarlac.

Ayon naman kay Kimberly Vergara, Regional Monitoring and Evaluation Officer ng DSWD Field Office III, ay napakalaking tulong ng mga ganitong pakikibahagi at pagtulong sa pagpapalaganap ng practice na may kinalaman sa communal at backyard gardening, na isa sa bagong inisyatibong nais palaganapin at pagyamanin ng programa. “Nasa vision ng DSWD ang hunger mitigation, at parte rin ‘to ng thrust and priorities ng present administration kaya naman through Family Development Session, we are promoting Bio-Intensive Gardening. Dahil mayroon ng grant for rice subsidy ay malaking bagay ang pakikituwang natin sa pagpo-promote ng communal gardening,” dagdag pa niya.

Ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ay dalawa sa aktibong ka-partner ng ahensya ng DSWD sa pag-iimplementa ng programang pantawid. Katulong ang DepEd sa pagtitiyak na ang mga anak ng benepisyaryo ng programa ay pumapasok at nag-aaral—mayroong attendance rate na hindi bababa sa 85%. Samantalang katuwang naman ang DOH sa pagtitiyak na ang mga buntis na miyembro ay mayroong post and pre-natal care, at ang mga bata at magulang ay regular na nagpapa-check up sa pinaka malapit na Rural Health Center/ Unit sa kanilang pamayanan. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print